Friday, February 12, 2010

Oras

Pwede bang ‘wag ka nang magtampo dahil malapit nang magunaw ang mundo?

Hinog na kasi ‘tong maliit na mundong ginagalawan natin, pero hindi parang isang atis na siniksik lang sa sako ng bigas — hinog sa pilit. Itong sa’tin, maganda ang balat, mabango, matamis. Mahigit isang taon lang ang kailangan natin para pahinugin ‘tong prutas ng ating mundo — at ngayon, handa na syang magunaw.

Naaalala mo pa ba?

Yung mga polo kong itim na kupas? Hindi ko na yun sinusuot ngayon.

Yung sapatos kong “pang-lolo?” Iniiwasan ko na yun ngayon.

E yung mga tigyawat kong nagagalit? Nauubos na sila ngayon.

At yung gitara kong si Shirley? Niligpit ko na’t inaalikabok na ngayon.

Lahat sila, nauna nang itiniklop, itinago, binura at niligpit. Pag tatak ng mga papeles mo sa susunod na linggo, ang kabanata naman ng mundo natin ang isasara.

Hindi pa naman tayo matatapos dahil hindi ako papayag. Pero kapag naaalala ko kung pa’no tayo maglakad sa kalsada ng hawak-kamay o akbay-balikat pitong araw sa isang linggo, may bitbit mang mabigat na bag o wala, parang mababaliw ako ‘pag iniisip kong maaaring taon ang aabutin bago kita makurot sa pisngi man lang muli. Taon — mahahaba at nakakapagod na taon.

Naaalala mo pa ba?

Muntik akong magwala nung sabihin mong pupunta kayong Canada? Leche, bakit di mo sinabi? Kakasimula ko pa lang mag-astang prinsipe o si Robin Padilla at ikaw si Sharon Cuneta tapos bigla kang magaanunsyo na may taning ka na pala? Para ka palang bomba sa MRT na matagal ko nang inaabangang dadale sa’kin? Para ka palang si Dolphy na — paumanhin nguni’t — tila hinihintay nalang ng mga taong matigok? Para ka palang si Aga Muhlach sa Dubai?

Nung araw na ‘yun, uminom tayo ng kape sa tabi ng swimming pool sa opisina. Ang init. Naka-polong kupas kasi ako at sapatos na pang-lolo. Ang sabi mo wala kang magagawa dahil gano’n talaga at ‘di ka naman umaasa na matutuloy kayo. Dahil palpak nga kayo dati na pumuntang Texas. Nung mainit na araw na yun, sa harap ng mainit kong kape, naisip ko, kayo nga itong sinwerte ngayon — ako naman ang minalas. Leche.

Pero tinanggap ko na lang kahit ga’no kahirap isantabi yung alaalang malapit ka nang lumipad palayo. Pakiramdam ko parang merong inaamag na hopya sa bulsa ko, pero ayokong itapon dahil hindi ko mahawakan at masyadong mabantot. Kaya hinayaan ko nalang lumagi don yung inaamag na hopya habang ginagawa ko ang lahat para sulitin ang nalalabing oras kasama ka.

At sinulit naman natin, hindi ba?

Lahat ng mga kaibigan mong ipinangamba nating ipapako ako sa krus, tinagayan ko lahat ng San Mig Light, Red Horse at Gin Blue. Mula sa isang lalakeng bulagta na sa tatlong bote ng Lights, nagsanay ako hanggang umabot ako ng pito. At lahat sila, hinanap natin mula sa mga kasuluk-sulukan Pilipinas: sa Baguio, sa Pasig, sa Maynila, sa Mandaluyong, at sa kung saan-saan pa. Lahat sila nilabanan ko sa ibabaw ng mga bote ng alkohol at sari-saring pulutan para ipakita sa kanila na karapat-dapat ako para sa iyo, at karapat-dapat ‘tong namamagitan sa’tin. Marami sa kanila, naging tunay ko nang kaibigan. May illan din naman na hindi ako na-gets at ‘di ko rin naman sila na-gets. Pero ang mahalaga, napatunayan natin na maligaya tayo at kuntento sa piling ng isa’t isa.

Ikaw rin hindi ba?

Hinarap mo lahat ng mga kaibigan ko mula sa ibang daigdig. Tumindig ka at nilabanan punto por punto sina Marx, Nietzsche, Foucault, at kung sinu-sino pang tigok na manunulat. Nakipagdebate ka sa mga kaibigan ko gamit ang sarili mong talino at praktikal na karanasan sa buhay. At walang duda, nanalo ka. Dahil alam ko ang pinagdaanan mo, at alam kong hindi kayang higitan ng kahit anong makapal at maalikabok na aklat ang mga paghihirap at tagumpay mo sa buhay. Naging kaibigan mo rin sila at nagdikit ang mga mundo natin, kahit sobrang magkaiba.

Pati mga kamag-anak natin ay hindi natin pinalampas. Meron tayong checklist sa mga ulo natin ng mga tito’t tita, lolo’t lola, ate’t kuya na kailangan pang binyagan sa reyalidad na tayo na ngang dalawa at wala na silang magagawa. Kailangan na lang nila tayong panoorin at tiisin habang nagbubulungan tayo, magkatabing magkaupo, lumakad at tumayo, nagpapalitan ng makatindig-balahibong status messages sa Facebook, Friendster o Multiply. Wala na silang nagawa dahil nakapagdesisyon na tayo na tayo na nga hanggang lumipad ang iyong eroplano.

Nais ko lang sabihin na ngayong magugunaw na ang mundo, ikaw lang ang nasa isip ko. At ang buhay ko, naramdaman ko lang noong dumating ka at nagyosi sa aking harapan.

Pag naglalakad ka na sa mga malilinis at maluluwag na kalsada ng Vancouver, kapag tinitingnan mo ang iyong sapatos, sana maalala mo rin yung gutay-gutay kong Chucks. At ‘pag giniginaw ka na sa puting puting nyebeng umuulan galing sa kalawakan, nakatitig sa snowman na may karot sa ilong, sana magbalik ka do’n sa panahong halos bumula na ang bibig ko sa lamig ng Baguio. Sa Cordi Coffee. Up Dharma Down. Si Len.

Kung mapadpad ka man sa kahit anong shop doon, pinapahirapan ka ng boss mong maputi, blonde, at gahigante ang ilong, sana maalala mo kung paano natin tinayp ang ‘di matapus-tapos na mga artikulo manatili ka lamang sa Pag-Asa, Quezon City at ‘wag bumalik sa Ilocos upang maging titser. Dahil kailangan kita higit pa sa inaakala mo.

Pag nasa Canada ka na, Chemae, sana maalala mo ako bawat segundo.

At ngayon, ang tanging kahilingan ko na lamang sa iyo at sa tadhana, ay ang ‘wag na tayong magpalitan pa ng maaanghang na mensahe sa YM o magparinig sa Twitter at WordPress. Ipagpaliban na muna natin ang pagiging mga batang paslit kahit alam kong batang paslit talaga tayo sa puso. Lalo na ako.

Yakapin na lang natin ang oras dahil malapit na tayong magkahiwalay.

Maligayang araw ng mga puso sa’yo. Alam mong mahal na mahal kita.

——————————–

“Oras”

Ely Buendia, Wanted Bedspacer,

Pwede bang wag ka nang

magtampo dahil malapit nang magunaw ang mundo?

Halika na, halika na.

Takasan natin ang umaga

Chorus

Wala nang dapat sabihin. Yakapin mo na lang.

Oras ay wag intindihin. Yakapin mo na lang

Ibulong sa dibdib ang tanong

at lahat ng panaginip.

Paubaya mo na sa Maykapal

lahat ng ‘di maipaliwanag.

[Via http://moonwalkerwiz.wordpress.com]

No comments:

Post a Comment